Silang Mga Pilipino
Akda ni Keneth Vincent Aballe - Pebrero 25, 2018 9:00 AM
Ang mga kastila at ang Kristiyanismong kanilang ipinalaganap sa bansa.
Sa kasaysayan ng ating bayang Pilipinas, tayo ay sinakop at inalipin ng mga iba’t ibang dayuhang mananakop. Ang Espanya, Hapon at Amerika ay nagdala ng kasawian at kapariwaraan sa ating bayan. Binago nila ang ating sistema, nagpatupad ng mga makabagong reporma at sumupil sa ating mga kultura. Tinangka nilang kunin ang ating kasarinlan at pagkakakilanlan at sila’y nagtagumpay – sa iilan. Sa kabila kasi ng mga repormang nagaganap sa isla ng Luzon at Visayas, ang isla ng Mindanao ay hindi nagpasakop at napasupil sa mga dayuhang mananakop. Hindi nagpasilaw ang mga tao sa Mindanao sa mga maluhong bagay na siyang nagpaakit sa mga marurupok na Pilipino sa isla ng Luzon at Visayas bagkus, kanilang ipinaglaban ng buong puso ang kanilang bayan at kulturang kanilang kinagisnan. Ang mga matatapang at ang mga ‘di kilalang bayaning ito ay ang mga Lumad.
Ang mga Mamanwa ng Agusan del Norte
Ang terminong “Lumad” ay galing sa salitang “Katawhang
Lumad”. Sila ang mga grupo ng mga netibong tribu na kinabibilangan ng mga
Manobo, Mamanwa, B’laan at iba pa na nananahan sa mga kabundukan at liblib na
lugar ng Mindanao bago pa man dumating ang mga unang banyagang mananakop
katulad ng mga Intsik at mga Kastila. Ang mga Lumad ay lubusang nakadikit sa kanilang kinagisnang
kultura’t tradisyon. Ang kanilang gawain pangaraw-araw ay lubusang nakabase sa
kanilang mga paniniwala. Sila’y lubusang nagpapahalaga sa mga ito na mas
gugustuhin pa nilang sila’y ibitay at patayin kaysa ibahin ang kanilang kultura
at paniniwala. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi sila masakop-sakop at
masupil ng mga Kastila na ibig magdala ng Katolisismo sa kanilang banwa noong
unang panahon. Ang mga kultura at tradisyong ito ay mahalaga sa bawat Lumad.
Ito ang kanilang buhay at hininga.
#Manilakbayan 2017 ay isang isang linggong pagprotesta ng mga Lumad sa Manila
Mula noon hanggang ngayon, ang mga Lumad ay patuloy pa ring
humaharap sa mga samu’t saring isyung nagtatangkang pumatay at sumupil sa
kanilang hindi mamatay-matay na tradisyon at kultura. Sa kabila ng kanilang
disente at payak na pamumuhay, may mga organisasyon at mga taong hangad ay ang
mawala sila nang tuluyan sa ating bayan. Sila ang mga elitistang may-ari ng mga
minahan at plantasyon, ang huwad at tutang gobyerno at ikaw na walang ginawa at
nagmamasid lamang.
Ilan sa mga elitistang may-ari ng mga minahan at plantasyon sa Pilipinas
Ang isla ng Mindanao ay punong-puno ng mga likas-yaman at biyaya ng kalikasan. Ang islang ito ay ika-apat sa minahan ng tanso, ika-lima sa minahan ng bakal at pangatlo sa minahan ng ginto sa buong mundo. Bukod pa rito, ang isla ng Mindanao ay tahanan din ng mga iba’t ibang uri ng mga puno kagaya ng narra na angkop at karaniwang ginagamit sa paggawa ng mga ornamento at mga kagamitan. Ang lupa rin sa islang ito ay kilala bilang magandang taniman ng mga palay, mais, tubo at pinya. Dahil sa angking likas-yaman nito, hindi na nakapagtataka kung ganoon na lamang kung mag-agawan ang mga lokal at banyagang mga minahan at plantasyon sa pagkalkal at pagsamsam sa mga biyaya ng isla. Gamit ang kanilang mga koneksyon sa pamahalaan, halos mapuno na ang isla sa mga iba’t ibang minahan at plantasyong nagpapakasasa sa yaman ng isla. Bagaman ito’y nakasisira na, ito’y pinapayagan pa rin ng huwad na gobyerno at pamamahala.
Ang mga Lumad na bakwit dahil sa kaguluhan.
Sa kabila ng mga
explorasyong ito, ang lubos na biktima ay ang mga Lumad. Ito ay sapagkat
sila'y napipilitang umalis sa kanilang mga tahanan at banwa upang magbigay
daan sa mga explorasyong pakana ng mga elitista. Ang mga Lumad ay walang titulo
dahilan kung bakit ganoon na lamang sila kadaling paalisin sa kanilang banwa.
Ang kawalan ng titulo ay nag-ugat sa paniniwala ng mga katutubo sa isang
komunidad na pagmamay-ari. Sa komunidad na pagmamay-ari, sila ay malayang
nakapipili ng mga lupa sa kanilang banwa ayon sa kanilang kagustuhan at
pagsang-ayon ng kanilang mga pinuno. Ang kagawiang ito’y laganap na bago pa man
sakupin ng mga Espanyol ang ating bansa kaya ganoon na lamang kung magpuyos sa
galit ang mga Lumad sa mga ginagawa ng mga elitista. May mga pagkakataon namang
tinatangka nilang i-rehistro at kumuha ng titulo sa kanilang lupa ngunit
napakahaba at napakagastos ng proseso dahilan upang ito’y ihinto na lamang ng
ibang Lumad. Ngunit sa kabila ng mga pagkukulang na ito, ang mga Lumad ay hindi
talo sa lahat ng aspeto. Ayon kasi sa United Nations Declaration on the Rights
of Indigenous People (UNDRIP), ang mga katutubong netibo ng isang bansa katulad
ng mga Lumad ay may karapatan at titulado noon pa man sa kanilang mga lupang
kinagisnan sapagkat ito’y karugtung at bahagi na nang kanilang buhay. Bagaman
ang ating bansa’y pirmado datapwat ay dapat sundin ito, nanatili pa rin ang mga
kalakaran ng mga iba’t ibang minahan at plantasyon sa isla. Sa kabila ng
hinaing ng mga Lumad ay nanatiling bingi at pipi ang gobyerno sa ganitong
usapin.
Ang nakalbo at napatag na bundok sa Mindanao dahil sa pagmimina.
Ang mga Lumad ay tagapangalaga ng kalikasan. Ito ang
dahilan kung bakit ganoon na lamang ang kanilang pag-ayaw sa mga minahan at
plantasyong ito. Bukod kasi sa dahilang pinapalayas sila nito, sinisira rin ng
mga minahan at plantasyon ang kanilang tirahan. Pinapatag, kinakalbo, sinisira,
pinapatay at ginagahasa ng mga minahan at plantasyon ang mga kabundukan at
paraiso ng isla. Hindi iniisip ng mga elitistang may-ari ang mga taong
naaapektuhan bagkus, iniisip lamang nila ang perang pwede nilang makuha bunsod
ng mga yamang kanilang nakukuha. Ipagpalagay mo na lamang na ikaw ay nagpundar
ng isang mansyon. Inipunan, pinagpawisan at dinanakan mo ito ng iyong dugo
ngunit, sa isang iglap, ito’y bigla na lamang kukunin at wawasakin ng mga taong
hindi mo kilala. Natural lamang na ika’y magpuyos sa galit, magwala at
magdamdam ng tunay. Ang damdaming ito ang siyang nadarama nga mga kapatid
nating Lumad. Sa isang iglap kasi, ang bayang kanilang minamahal ay biglang
tumalikod sa kanila at sumamba sa mga makapanyarihang elitista’t mga dayuhan.
Ang gobyerno ang sandigan ng bayan. Ito ang takbuhan ng mga
naapi. Ito ang tagapangalaga sa mga minorya. Ito ang boses ng sangkatauhan. Ito
ay mabuti. Ito ay patas. Ito ay hindi marahas. Ito ang paniniwala ko at ako ay
nabigo.
Ang batas na dapat magsilbi sa lahat ay nagsisilbi sa i-ilang makapangyarihan.
Sa isyu ng mga Lumad sa Mindanao,
ang gobyerno ang nagsilbing tulay at daan upang lumago at lumala ito. Sa
deka-dekadang pakikibaka ng mga Lumad sa Mindanao, ang huwad na pamahalaan ay
walang ginawa sa naturang isyu at naging saksing bingi’t tumalikod sa
reponsibilidad nito. Ito’y nagbalangkas nga mga batas at repormang sa unang
tingin ay mabuti ngunit, kung iyong hihimayin ay kasamaan ang ninanais. Katulad
na lamang ng Batas Republika 8371 o ang
Indigenous People Rights Act (IPRA) na sa unang tingin ay nagrerespeto sa
karapatan ng mga Lumad sa kanilang lupang kinagisnan. Ngunit kung ito’y iyong
hihimayin, ang batas na ito ay hindi sumusuporta sa komunidad na pagmamay-ari
ng mga lumad na sinasakop at kinakamkam na ng mga elististang may-ari ng mga
minahan at plantasyon. Ang Batas Republika 7942 o ang Mining Act naman ay nagbabalatkayo na nangangalaga sa mga
kabundukang tinitirhan ng mga Lumad ngunit kung ito’y iyong pag-aaralan, ito’y
pumupabor sa malalaking minahan na magmina sa mga kabundukan. Sa pagkakataong
ito, paano mo mapapangalgaan ang mga kabundukang tinitirhan ng mga Lumad kung
sa kahuli-hulihay papayag ka lang din naman na ito’y kalbuhin at patagin ng mga
minahan. Sa pagsusuring ito, ating makikita na ang ibang mga batas ay ginawa
lamang para sa kapakanan at benipisyo ng iilang makapangyarihan.
Grapikong nagpapakita ng mga datos ukol sa karahasan ng militar sa mga Lumad
Sa mga lugar kung saan may mga Lumad
na nagmamatigas na umalis sa kanilang mga banwa, sila’y sinasagot ng dahas at
bala ng pamahalaan. Ginagamit nito ang puwersa sa anyo ng mga militar upang
ma-isagawa ang plano at layunin nito sa isla. Nilulusob at binomba ng mga
militar ang kanilang mga tahanan dahil sa mga paniniwalang sila’y kasapi ng
rebelde. Bunsod nito, libo-libong Lumad na ang nagsipaglikas dahil sa patuloy
na militarisasyong ginagawa ng pamahalaan. Bukod kasi sa mga karahasang
pinangungunahan ng pamahalaan sa mga kabukiran, hindi rin sinasanto ng militar
ang mga paaralang Lumad sa kapatagan na kanila ring nilulusob at binobomba. Isa
na rito ang paaralang Lumad na ALCADEV na huminto na sa kanilang operasyon noong
ika-1 ng Setyembre taong 2015 nang karumaldumal na mapatay ang kanilang
direktor sa silid-aralan nito sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur. Sa dakong
Davao Del Norte naman, nanganganib na isara ang isang Lumad na paaralan na
nagbibigay kaalaman sa higit tatlong libong mag-aaral dahil sa banta ng
seguridad mula sa militar. Ang mga dahas at ang mga karumal-dumal na pagpatay
na ito ay nangyayari sa mga lugar na mainit sa mga mata ng mga elitista. Ang
mga lugar kasing ito ay kinapapalooban ng likas-yaman na nais makuha ng mga
elitistang may-ari ng mga plantasyon at minahan. Dala ang palihim na suporta ng
mga makapangyarihang angkan sa gobyerno kagaya ng mga Ampatuan sa Maguindanao,
nakasisigurado ang mga elitistang may-ari ng mga minahan at plantasyon sa isang
madahas at madugong pagkapanalo kapalit ang paghihirap at pagkapatay ng
daan-daang Lumad sa mga kabukiran at kanayonan.
Marahil ikaw ay nagtataka kung bakit kasali ka sa mga taong
nagpapahirap sa pamumuhay at pakikibaka ng mga Lumad. Marahil masasabi mo sa
iyong sarili na ikaw ay inosente at kailanma’y hindi naging marahas sa alinmang
tribu sa bansa. Marahil ito’y totoo, marahil hindi.
Ang mga batang Bajau na sumusisid sa bawat baryang tinatapon ng mga pasahero
Sa mga pier at pantalan na daungan
ng mga barko, iyong makikita ang mga taong maiitim ang balat na tinusta ng
haring-araw, gula-gulanit ang mga damit o ‘di naman kaya’y walang salawal. Sila’y
sumisisid sa kailailaliman ng dagat upang kunin ang baryang iyong tinapon para iyong
kaaliwan. Napakasaya, kahanga-hanga at kagigilalas. Ito marahil ang iyong
nararamdaman sa bawat pagsisid ng isang Bajau ngunit, sa panig at diwa ng taong
Bajau na sumisisid sa karagatan upang kunin ang iyong barya at punan ang iyong
kasiyahan ay ang isang madilim na nakaraan na kung lingid sa iyong diwa’t
kaisipan ay hindi ka mangangahas na gawin uli ang iyong ginawa sa kanila.
Ang mga Bajau kasi ay netibong mga tao na naninirahan sa Hilagang Bahagi ng
Zamboanga del Norte. Sila’y malapit sa dagat dahilan upang sila’y sanay sa
pangingisda at pagsisid sa kailailaliman ng dagat. Taong 1970 nang sumiklab ang
labanan ng mga Moro at Kristiyano sa Mindanao. Nangangamba at natatakot na
maipit sa gulo, tumakas ang mga Bajau mula sa kanilang banwa patungong Hilaga
dahilan upang sila’y mapadpad sa mga isla ng Visayas hanggang sa Luzon. Sa kasalukuyan,
ang mga Bajau ay kilala sa mga lansangan dahil sa hindi kaaya-ayang dahilan.
Sila’y kadalasang makikitang namamalimos at pagala-gala sa lansangan bitbit ang
mga batang walang salawal. Ang lahat ng ito’y dulot ng kapabayaan ng pamahalaan
at diskriminasyong kanilang natamo mula sa sangkatauhan. Sila’y tinatrato ng
masa bilang mababa at alipin dahilan upang sila’y 'di makahanap ng disenteng
pamumuhay at kumapit na lamang sa patalim upang mabuhay. Hindi sila masama at
demonyo kagaya ng mga iniisip ng iba. Sila’y na-ipit lamang sa sirkumstansyang
kanilang ‘di ginusto ngunit ating mas pinalala na sa kanila’y nagdulot ng
kasakitan at kapighatian.
Ang mga batang Badjau na nanglilimos sa mga lansangan sa mga kanayonan.
Ang mga oangunahing aktor at aktres ng teleseryeng 'Bagani' ng ABS-CBN.
Hindi lang iyan ang iyong ginawa upang masakdal mo ng tuluyan ang mga Lumad sa kanilang kinatatayuan ngayon. Ikaw kasi na nagtatakilik sa komersyalisasyon ay tumulong din sa mga elitista na bastosin at ibaba ang pagtingin ng sambyanan sa mga Lumad at iba pang tribu sa ating bansa. Gamit ang samu’t saring paraan kagaya ng mga teleserye sa telebisyon o mga sayaw Lumad na sinasayaw kapag may pista o turistang darating, ang mga elitista ay naging matagumpay sa pagbastos sa natatangi at banal na kultura at tradisyon ng mga Lumad. Bukod kasi sa katotohanang ito’y ginawa upang makakuha ng kasikatan at kayamanan, kadalasan ay ginagawa ito na mali-mali ang mga sayaw at interpretasyon ng iba’t ibang taong nagdadala sa mga kaanyuan ng mga Lumad. Isa sa mga halimbawa nito ay ang telseryeng Bagani ng ABS-CBN Channel 2. Sa teleseryeng ito, ang istorya ay pumapalibot sa pakikibaka ng mga katutubong Lumad sa bansa ngunit dahil sa pagnanasa ng direktor at tagasulat na makakuha ng simpatya mula sa madla kanilang binago ang istorya at kumuha ng artistang sumasang-ayon sa kolonyal na pag-iisip ng mga Pilipinp. Sa halip kasi na ito’y pagbidahan ng isang purong Pilipino na sumasalamin sa kabuuan ng isang katutubong Lumad- kulay ng balat, hugis ng mukha, anyo ng buhok at iba pa, mas pinili ng direktor na kumuha ng mestizang aktres at aktor na ‘di hamak na iba sa normal na representasyon ng isang Lumad. Ito’y napakalinaw na ginawa upang makakuha ng mataas na marka at pagsang-ayon sa madla na may kolonyal na mentalidad. Ang ganitong mga pagkakataon ay ‘di nakakatulong sa mga pakikibaka ng mga Lumad bagkus, ito’y mas nagsasakdal sa kanila tungo sa patuloy na diskriminasyon, pang-aalipusta at dahas mula sa madla. Imbis kasi na ating tangkilikin at mahalin kung ano ang totoong tayo ay mas pipiliin at mamahalin pa natin ang mga taong hindi rumerepresenta sa atin. Hindi natin tinutulungan ang ating sarili bagkus, ating inilalagay ang ating sarili sa ating kahahantungan at sariling himlayan.
Ang mga Lumad ang tunay na Pilipino. Nananalaytay sa kanila ang dugong Pilipino
Tunay ngang nakalulungkot,
nakapanghihina at napakasakit ng mga nangyari sa ating mga kapatid na Lumad.
Sila ang tunay na Pilipino. Sila ang Pilipino ngunit, sila rin ang tampulan ng
lahat ng diskriminasyon, dahas at pang-aalipustang nagmula sa mga elitista, sa
ating sariling pamahalaan at mula sa kapwa nila Pilipino. Hangad lamang nila
ang mamuhay ng payapa kagaya ng kanilang ginawa daan-daang taon na ang nakalipas
ngunit, dahil sa ating patuloy na paghahangad
sa kayamanan samahan pa ng pang-aabuso ng mga taong nasa posisyon at ng
pamahalaan ay unti-unti natin silang sinusupil at pinapatay. Unti-unti natin
silang ginagapos tungo sa kanilang huling himlayan dahil sa ating pagkonsenti
sa mga elitista at gobyerno na patuloy na gawin ang kanilang pang-aabuso’t
pagyuyurak sa mga karapatang-pantao ng mga Lumad. Nanalaytay sa kanilang ugat
ang dugong Pilipino. Walng halo, purong-puro. Maitim, pandak, hindi matangos,
bilog ang mukha at kulot ang buhok. Iyan ay ikaw. Yakapin mo ito at huwag mo
itong talikuran sapagkat sa kahuli-huliha’y ikaw ang siyang magpapasya kung ikaw ay
papanig sa mga banyaga at elitistang sumisira sa iyong bayan o sa kanilang
maitim, walang boses, hindi makapangyarihan ngunit, sumasalamin sa iyong buong
pagkatao, silang mga Pilipino.