Silang Mga Pilipino

Silang Mga Pilipino

                               Akda ni Keneth Vincent Aballe - Pebrero  25, 2018        9:00 AM


    Ang mga kastila at ang Kristiyanismong kanilang ipinalaganap sa bansa.

            Sa kasaysayan ng ating bayang Pilipinas, tayo ay sinakop at inalipin ng mga iba’t ibang dayuhang mananakop. Ang Espanya, Hapon at Amerika ay nagdala ng kasawian at kapariwaraan sa ating bayan. Binago nila ang ating sistema, nagpatupad ng mga makabagong reporma at sumupil sa ating mga kultura. Tinangka nilang kunin ang ating kasarinlan at pagkakakilanlan at sila’y nagtagumpay – sa iilan. Sa kabila kasi ng mga repormang nagaganap sa isla ng Luzon at Visayas, ang isla ng Mindanao ay hindi nagpasakop at napasupil sa mga dayuhang mananakop. Hindi nagpasilaw ang mga tao sa Mindanao sa mga maluhong bagay na siyang nagpaakit sa mga marurupok na Pilipino sa isla ng Luzon at Visayas bagkus, kanilang ipinaglaban ng buong puso ang kanilang bayan at kulturang kanilang kinagisnan. Ang mga matatapang at ang mga ‘di kilalang bayaning ito ay ang mga Lumad.

Ang mga Mamanwa ng Agusan del Norte

Ang terminong “Lumad” ay galing sa salitang “Katawhang Lumad”. Sila ang mga grupo ng mga netibong tribu na kinabibilangan ng mga Manobo, Mamanwa, B’laan at iba pa na nananahan sa mga kabundukan at liblib na lugar ng Mindanao bago pa man dumating ang mga unang banyagang mananakop katulad ng mga Intsik at mga Kastila. Ang mga Lumad ay lubusang nakadikit sa kanilang kinagisnang kultura’t tradisyon. Ang kanilang gawain pangaraw-araw ay lubusang nakabase sa kanilang mga paniniwala. Sila’y lubusang nagpapahalaga sa mga ito na mas gugustuhin pa nilang sila’y ibitay at patayin kaysa ibahin ang kanilang kultura at paniniwala. Ito marahil ang dahilan kung bakit hindi sila masakop-sakop at masupil ng mga Kastila na ibig magdala ng Katolisismo sa kanilang banwa noong unang panahon. Ang mga kultura at tradisyong ito ay mahalaga sa bawat Lumad. Ito ang kanilang buhay at hininga.


#Manilakbayan 2017 ay isang isang linggong pagprotesta ng mga Lumad sa Manila

Mula noon hanggang ngayon, ang mga Lumad ay patuloy pa ring humaharap sa mga samu’t saring isyung nagtatangkang pumatay at sumupil sa kanilang hindi mamatay-matay na tradisyon at kultura. Sa kabila ng kanilang disente at payak na pamumuhay, may mga organisasyon at mga taong hangad ay ang mawala sila nang tuluyan sa ating bayan. Sila ang mga elitistang may-ari ng mga minahan at plantasyon, ang huwad at tutang gobyerno at ikaw na walang ginawa at nagmamasid lamang.

Ang mga Elitista



Ilan sa mga elitistang may-ari ng mga minahan at plantasyon sa Pilipinas

          Ang isla ng Mindanao ay punong-puno ng mga likas-yaman at biyaya ng kalikasan. Ang islang ito ay ika-apat sa minahan ng tanso, ika-lima sa minahan ng bakal at pangatlo sa minahan ng ginto sa buong mundo. Bukod pa rito, ang isla ng Mindanao ay tahanan din ng mga iba’t ibang uri ng mga puno kagaya ng narra na angkop at karaniwang ginagamit sa paggawa ng mga ornamento at mga kagamitan. Ang lupa rin sa islang ito ay kilala bilang magandang taniman ng mga palay, mais, tubo at pinya. Dahil sa angking likas-yaman nito, hindi na nakapagtataka kung ganoon na lamang kung mag-agawan ang mga lokal at banyagang mga minahan at plantasyon sa pagkalkal at pagsamsam sa mga biyaya ng isla. Gamit ang kanilang mga koneksyon sa pamahalaan, halos mapuno na ang isla sa mga iba’t ibang minahan at plantasyong nagpapakasasa sa yaman ng isla. Bagaman ito’y nakasisira na, ito’y pinapayagan pa rin ng huwad na gobyerno at pamamahala.


     Ang mga Lumad na bakwit dahil sa kaguluhan.

Sa kabila ng mga  explorasyong ito, ang lubos na biktima ay ang mga Lumad. Ito ay sapagkat sila'y napipilitang umalis sa kanilang mga tahanan at banwa upang magbigay daan sa mga explorasyong pakana ng mga elitista. Ang mga Lumad ay walang titulo dahilan kung bakit ganoon na lamang sila kadaling paalisin sa kanilang banwa. Ang kawalan ng titulo ay nag-ugat sa paniniwala ng mga katutubo sa isang komunidad na pagmamay-ari. Sa komunidad na pagmamay-ari, sila ay malayang nakapipili ng mga lupa sa kanilang banwa ayon sa kanilang kagustuhan at pagsang-ayon ng kanilang mga pinuno. Ang kagawiang ito’y laganap na bago pa man sakupin ng mga Espanyol ang ating bansa kaya ganoon na lamang kung magpuyos sa galit ang mga Lumad sa mga ginagawa ng mga elitista. May mga pagkakataon namang tinatangka nilang i-rehistro at kumuha ng titulo sa kanilang lupa ngunit napakahaba at napakagastos ng proseso dahilan upang ito’y ihinto na lamang ng ibang Lumad. Ngunit sa kabila ng mga pagkukulang na ito, ang mga Lumad ay hindi talo sa lahat ng aspeto. Ayon kasi sa United Nations Declaration on the Rights of Indigenous People (UNDRIP), ang mga katutubong netibo ng isang bansa katulad ng mga Lumad ay may karapatan at titulado noon pa man sa kanilang mga lupang kinagisnan sapagkat ito’y karugtung at bahagi na nang kanilang buhay. Bagaman ang ating bansa’y pirmado datapwat ay dapat sundin ito, nanatili pa rin ang mga kalakaran ng mga iba’t ibang minahan at plantasyon sa isla. Sa kabila ng hinaing ng mga Lumad ay nanatiling bingi at pipi ang gobyerno sa ganitong usapin.


     Ang nakalbo at napatag na bundok sa Mindanao dahil sa pagmimina.

Ang mga Lumad ay tagapangalaga ng kalikasan. Ito ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang kanilang pag-ayaw sa mga minahan at plantasyong ito. Bukod kasi sa dahilang pinapalayas sila nito, sinisira rin ng mga minahan at plantasyon ang kanilang tirahan. Pinapatag, kinakalbo, sinisira, pinapatay at ginagahasa ng mga minahan at plantasyon ang mga kabundukan at paraiso ng isla. Hindi iniisip ng mga elitistang may-ari ang mga taong naaapektuhan bagkus, iniisip lamang nila ang perang pwede nilang makuha bunsod ng mga yamang kanilang nakukuha. Ipagpalagay mo na lamang na ikaw ay nagpundar ng isang mansyon. Inipunan, pinagpawisan at dinanakan mo ito ng iyong dugo ngunit, sa isang iglap, ito’y bigla na lamang kukunin at wawasakin ng mga taong hindi mo kilala. Natural lamang na ika’y magpuyos sa galit, magwala at magdamdam ng tunay. Ang damdaming ito ang siyang nadarama nga mga kapatid nating Lumad. Sa isang iglap kasi, ang bayang kanilang minamahal ay biglang tumalikod sa kanila at sumamba sa mga makapanyarihang elitista’t mga dayuhan.

Ang Huwad na Gobyerno at Pamahalaan


     Representasyon nang korupt na pamamahala ng gobyerno ng Pilipinas.

            Ang gobyerno ang sandigan ng bayan. Ito ang takbuhan ng mga naapi. Ito ang tagapangalaga sa mga minorya. Ito ang boses ng sangkatauhan. Ito ay mabuti. Ito ay patas. Ito ay hindi marahas. Ito ang paniniwala ko at ako ay nabigo.


     Ang batas na dapat magsilbi  sa lahat ay nagsisilbi sa i-ilang makapangyarihan.

            Sa isyu ng mga Lumad sa Mindanao, ang gobyerno ang nagsilbing tulay at daan upang lumago at lumala ito. Sa deka-dekadang pakikibaka ng mga Lumad sa Mindanao, ang huwad na pamahalaan ay walang ginawa sa naturang isyu at naging saksing bingi’t tumalikod sa reponsibilidad nito. Ito’y nagbalangkas nga mga batas at repormang sa unang tingin ay mabuti ngunit, kung iyong hihimayin ay kasamaan ang ninanais. Katulad na lamang ng Batas Republika 8371 o ang Indigenous People Rights Act (IPRA) na sa unang tingin ay nagrerespeto sa karapatan ng mga Lumad sa kanilang lupang kinagisnan. Ngunit kung ito’y iyong hihimayin, ang batas na ito ay hindi sumusuporta sa komunidad na pagmamay-ari ng mga lumad na sinasakop at kinakamkam na ng mga elististang may-ari ng mga minahan at plantasyon. Ang Batas Republika 7942 o ang Mining Act naman ay nagbabalatkayo na nangangalaga sa mga kabundukang tinitirhan ng mga Lumad ngunit kung ito’y iyong pag-aaralan, ito’y pumupabor sa malalaking minahan na magmina sa mga kabundukan. Sa pagkakataong ito, paano mo mapapangalgaan ang mga kabundukang tinitirhan ng mga Lumad kung sa kahuli-hulihay papayag ka lang din naman na ito’y kalbuhin at patagin ng mga minahan. Sa pagsusuring ito, ating makikita na ang ibang mga batas ay ginawa lamang para sa kapakanan at benipisyo ng iilang makapangyarihan.


 Grapikong nagpapakita ng mga datos ukol sa karahasan ng militar sa mga Lumad

            Sa mga lugar kung saan may mga Lumad na nagmamatigas na umalis sa kanilang mga banwa, sila’y sinasagot ng dahas at bala ng pamahalaan. Ginagamit nito ang puwersa sa anyo ng mga militar upang ma-isagawa ang plano at layunin nito sa isla. Nilulusob at binomba ng mga militar ang kanilang mga tahanan dahil sa mga paniniwalang sila’y kasapi ng rebelde. Bunsod nito, libo-libong Lumad na ang nagsipaglikas dahil sa patuloy na militarisasyong ginagawa ng pamahalaan. Bukod kasi sa mga karahasang pinangungunahan ng pamahalaan sa mga kabukiran, hindi rin sinasanto ng militar ang mga paaralang Lumad sa kapatagan na kanila ring nilulusob at binobomba. Isa na rito ang paaralang Lumad na ALCADEV na huminto na sa kanilang operasyon noong ika-1 ng Setyembre taong 2015 nang karumaldumal na mapatay ang kanilang direktor sa silid-aralan nito sa bayan ng Lianga, Surigao del Sur. Sa dakong Davao Del Norte naman, nanganganib na isara ang isang Lumad na paaralan na nagbibigay kaalaman sa higit tatlong libong mag-aaral dahil sa banta ng seguridad mula sa militar. Ang mga dahas at ang mga karumal-dumal na pagpatay na ito ay nangyayari sa mga lugar na mainit sa mga mata ng mga elitista. Ang mga lugar kasing ito ay kinapapalooban ng likas-yaman na nais makuha ng mga elitistang may-ari ng mga plantasyon at minahan. Dala ang palihim na suporta ng mga makapangyarihang angkan sa gobyerno kagaya ng mga Ampatuan sa Maguindanao, nakasisigurado ang mga elitistang may-ari ng mga minahan at plantasyon sa isang madahas at madugong pagkapanalo kapalit ang paghihirap at pagkapatay ng daan-daang Lumad sa mga kabukiran at kanayonan.


Ikaw na walang ginawa at nagmamasid


Ang pakikibaka ng lider ng mga Lumad kasama ang kanyang buong tribu.

            Marahil ikaw ay nagtataka kung bakit kasali ka sa mga taong nagpapahirap sa pamumuhay at pakikibaka ng mga Lumad. Marahil masasabi mo sa iyong sarili na ikaw ay inosente at kailanma’y hindi naging marahas sa alinmang tribu sa bansa. Marahil ito’y totoo, marahil hindi.


    Ang mga batang Bajau na sumusisid sa bawat baryang tinatapon ng mga pasahero 

            Sa mga pier at pantalan na daungan ng mga barko, iyong makikita ang mga taong maiitim ang balat na tinusta ng haring-araw, gula-gulanit ang mga damit o ‘di naman kaya’y walang salawal. Sila’y sumisisid sa kailailaliman ng dagat upang kunin ang baryang iyong tinapon para iyong kaaliwan. Napakasaya, kahanga-hanga at kagigilalas. Ito marahil ang iyong nararamdaman sa bawat pagsisid ng isang Bajau ngunit, sa panig at diwa ng taong Bajau na sumisisid sa karagatan upang kunin ang iyong barya at punan ang iyong kasiyahan ay ang isang madilim na nakaraan na kung lingid sa iyong diwa’t kaisipan ay hindi ka mangangahas na gawin uli ang iyong ginawa  sa kanila. 


     Ang mga batang Badjau na nanglilimos sa mga lansangan sa mga kanayonan.

         Ang mga Bajau kasi ay netibong mga tao na naninirahan sa Hilagang Bahagi ng Zamboanga del Norte. Sila’y malapit sa dagat dahilan upang sila’y sanay sa pangingisda at pagsisid sa kailailaliman ng dagat. Taong 1970 nang sumiklab ang labanan ng mga Moro at Kristiyano sa Mindanao. Nangangamba at natatakot na maipit sa gulo, tumakas ang mga Bajau mula sa kanilang banwa patungong Hilaga dahilan upang sila’y mapadpad sa mga isla ng Visayas hanggang sa Luzon. Sa kasalukuyan, ang mga Bajau ay kilala sa mga lansangan dahil sa hindi kaaya-ayang dahilan. Sila’y kadalasang makikitang namamalimos at pagala-gala sa lansangan bitbit ang mga batang walang salawal. Ang lahat ng ito’y dulot ng kapabayaan ng pamahalaan at diskriminasyong kanilang natamo mula sa sangkatauhan. Sila’y tinatrato ng masa bilang mababa at alipin dahilan upang sila’y 'di makahanap ng disenteng pamumuhay at kumapit na lamang sa patalim upang mabuhay. Hindi sila masama at demonyo kagaya ng mga iniisip ng iba. Sila’y na-ipit lamang sa sirkumstansyang kanilang ‘di ginusto ngunit ating mas pinalala na sa kanila’y nagdulot ng kasakitan at kapighatian.


     Ang mga oangunahing aktor at aktres ng teleseryeng 'Bagani' ng ABS-CBN.
   
         Hindi lang iyan ang iyong ginawa upang masakdal mo ng tuluyan ang mga Lumad sa kanilang kinatatayuan ngayon. Ikaw kasi na nagtatakilik sa komersyalisasyon ay tumulong din sa mga elitista na bastosin at ibaba ang pagtingin ng sambyanan sa mga Lumad at iba pang tribu sa ating bansa. Gamit ang samu’t saring paraan kagaya ng mga teleserye sa telebisyon o mga sayaw Lumad na sinasayaw kapag may pista o turistang darating, ang mga elitista ay naging matagumpay sa pagbastos sa natatangi at banal na kultura at tradisyon ng mga Lumad. Bukod kasi sa katotohanang ito’y ginawa upang makakuha ng kasikatan at kayamanan, kadalasan ay ginagawa ito na mali-mali ang mga sayaw at interpretasyon ng iba’t ibang taong nagdadala sa mga kaanyuan ng mga Lumad. Isa sa mga halimbawa nito ay ang telseryeng Bagani ng ABS-CBN Channel 2. Sa teleseryeng ito, ang istorya ay pumapalibot sa pakikibaka ng mga katutubong Lumad sa bansa ngunit dahil sa pagnanasa ng direktor at tagasulat na makakuha ng simpatya mula sa madla kanilang binago ang istorya at kumuha ng artistang sumasang-ayon sa kolonyal na pag-iisip ng mga Pilipinp. Sa halip kasi na ito’y pagbidahan ng isang purong Pilipino na sumasalamin sa kabuuan ng isang katutubong Lumad- kulay ng balat, hugis ng mukha, anyo ng buhok at iba pa, mas pinili ng direktor na kumuha ng mestizang aktres at aktor na ‘di hamak na iba sa normal na representasyon ng isang Lumad. Ito’y napakalinaw na ginawa upang makakuha ng mataas na marka at pagsang-ayon sa madla na may kolonyal na mentalidad. Ang ganitong mga pagkakataon ay ‘di nakakatulong sa mga pakikibaka ng mga Lumad bagkus, ito’y mas nagsasakdal sa kanila tungo sa patuloy na diskriminasyon, pang-aalipusta at dahas mula sa madla. Imbis kasi na ating tangkilikin at mahalin kung ano ang totoong tayo ay mas pipiliin at mamahalin pa natin ang mga taong hindi rumerepresenta sa atin. Hindi natin tinutulungan ang ating sarili bagkus, ating inilalagay ang ating sarili sa ating kahahantungan at sariling himlayan.


     Ang mga Lumad ang tunay na Pilipino. Nananalaytay sa kanila ang dugong Pilipino

            Tunay ngang nakalulungkot, nakapanghihina at napakasakit ng mga nangyari sa ating mga kapatid na Lumad. Sila ang tunay na Pilipino. Sila ang Pilipino ngunit, sila rin ang tampulan ng lahat ng diskriminasyon, dahas at pang-aalipustang nagmula sa mga elitista, sa ating sariling pamahalaan at mula sa kapwa nila Pilipino. Hangad lamang nila ang mamuhay ng payapa kagaya ng kanilang ginawa daan-daang taon na ang nakalipas ngunit,  dahil sa ating patuloy na paghahangad sa kayamanan samahan pa ng pang-aabuso ng mga taong nasa posisyon at ng pamahalaan ay unti-unti natin silang sinusupil at pinapatay. Unti-unti natin silang ginagapos tungo sa kanilang huling himlayan dahil sa ating pagkonsenti sa mga elitista at gobyerno na patuloy na gawin ang kanilang pang-aabuso’t pagyuyurak sa mga karapatang-pantao ng mga Lumad. Nanalaytay sa kanilang ugat ang dugong Pilipino. Walng halo, purong-puro. Maitim, pandak, hindi matangos, bilog ang mukha at kulot ang buhok. Iyan ay ikaw. Yakapin mo ito at huwag mo itong talikuran sapagkat sa kahuli-huliha’y ikaw ang siyang magpapasya kung ikaw ay papanig sa mga banyaga at elitistang sumisira sa iyong bayan o sa kanilang maitim, walang boses, hindi makapangyarihan ngunit, sumasalamin sa iyong buong pagkatao, silang mga Pilipino.


0 (mga) komento